Naglalakbay na rin

Ang mga Australyanong bumibiyahe sa ibang bansa ay lubos na lumalaki ang bilang. Anuman ang iyong edad o destinasyon, ang maayos na paghahanda bago ka umalis, at ang pagpapanatiling nasa maayos na kalusugan habang naglalakbay ay maaaring makatulong sa iyo na magkaroon ng masaya at enjoy na biyahe.

Ang brochure na ito ay idinisenyo upang magbigay ng mga payo sa paglalakbay at mga impormasyong pangkalusugan na makakatulong sa iyo sa paghahanda ng ligtas at malusog na paglalakbay. Dapat basahin ito kasabay ng Travel smart: hints for Australian travellers at, kung naaangkop, ang Travelling seniors, Travelling with children, Travelling women o Backpacking overseas na mga lathalain.

Kapag bumibiyahe abroad, iniiwanan mo ang mga support system, mga kakayahang serbisyong pang-emergency at mga medikal na pasilidad ng Australia. Gagawin ng Pamahalaan ng Australia ang nararapat upang tulungan ang mga Australyano na nagigipit sa ibang bansa, ngunit mayroong mga legal at praktikal na limitasyon kung ano ang magagawa upang matulungan ang mga manlalakbay sa ibang mga bansa. Dapat mayroon kang makatotohanang mga inaasahan hinggil dito at basahin ang Dokumento sa mga Serbisyo ng Konsulado (Consular Services Charter), bago umalis, na makikita sa smartraveller.gov.au.

Bago kayo maglakbay – maging handa

Mas handa ka, mas ligtas at mas ma-e-enjoy mo ang pagbibiyahe.

Basahin ang abiso sa pagbibiyahe

Magsimula sa pinaka-huling abiso sa pagbibiyahe para sa iyong destinasyon sa smartraveller.gov.au. Magbibigay ito sa iyo ng impormasyon sa mga pangunahing panganib na maaaring kaharapin mo at ilang mga pag-iingat na maaari mong gawin. Kabilang din sa mga abiso sa pagbibiyahe ang mga praktikal na impormasyon sa kaligtasan at mga sitwasyong pang-seguridad, mga lokal na batas, mga isyung pangkalusugan at mga kinakailangan sa pagpasok at paglabas-kasama kung kinikilala ang dalawahang nasyonalidad.

Magrehistro bago ka maglakbay

Tiyakin na iyong irehistro online ang iyong pagbibiyahe at mga detalyeng matatawagan sa smartraveller.gov.au bago maglakbay. Ito ay makakatulong na mas maging madali kang makontak sa panahon ng kagipitan, kahit na ito ay isang natural na sakuna, kaguluhan o civil disturbance, o isyung pampamilya. Ang impormasyon sa pagrehistro na iyong ibinigay ay protektado ng mahigpit na batas ng Australia sa pagkapribado.

Mag-subscribe sa mga abiso sa pagbibiyahe

Habang nasa smartraveller.gov.au, mag-subscribe ng libreng email para sa mga update sa abiso sa pagbibiyahe. Ito ay makakatulong na manatiling nakatutok sa anumang mga pagbabago sa kalagayang pang-seguridad at pangkaligtasan, mga lokal na batas at mga isyung pangkalusugan sa mga bansang iyong pinaplanong bisitahin.

Insurance sa paglalakbay

Kung hindi mo kayang kumuha ng insurance sa paglalakbay, hindi ka dapat bumiyahe.

Ang mga medikal na gastusin sa ibang bansa ay hindi sakop o saklaw ng Medicare.

Mahigpit ka naming pinapayuhan na kumuha ng komprehensibong insurance sa paglalakbay. Tiyakin na saklaw nito ang lahat ng mga gastusing medikal para sa mga pinsala o karamdaman, maging ang pagnanakaw ng mga mahahalagang gamit, pinsala sa bagahe, mga kanselasyon o mga abala sa plano sa paglalakbay (flight plans). Lubos na isiwalat o ihayag ang anumang mga dati nang kalagayang medikal (pre-existing medical condition) sa pamamagitan ng sulat. Sasagipin ka nito mula sa mga alalahanin at mga posibleng hirap na pampinansyal. Ang mga gastusing medikal sa ibang bansa ay maaaring abutin ng daang libong dolyar at maraming mga pamilya ang pinansyal na naghirap sa pagbabayad ng mga gastusing ito kapag mayroong hindi magandang mangyari.

Ihambing ang mga polisa sa insurance at tiyakin na ang saklaw na iyong pinili ay angkop sa iyong mga pangangailangan at ito ay balido sa panahon na ikaw ay nasa malayo. Palaging basahin ang pahayag ng pagsisiwalat ng produkto (product disclosure statement) at tiyakin na ganap mong nauunawaan ang saklaw ng insurance sa paglalakbay.

Tiyakin na kumpirmahin ang lahat ng mga detalye ng iyong tagapag-bigay ng insurance at makatanggap ng nakasulat na kumpirmasyon ng iyong polisa.

Kung plano mong umasa sa insurance sa paglalakbay na binibigay ng iyong credit card, bago maglakbay dapat kang kumuha ng nakasulat na kumpirmasyon na ikaw ay saklaw nito at tiyakin na ang mga detalye ng polisa ay malinaw na nakalista sa kasulatan.

Maaari kang makakuha ng insurance sa paglalakbay para sa iyo at sa iyong pamilya o kasama sa paglalakbay sa ilalim ng iisang polisa. Gayunpaman, ang saklaw ay nagbabago depende sa polisa kung kaya't basahin nang mabuti ang kasulatan. Tiyakin na kumpirmahin ang lahat ng mga detalye sa iyong tagapag-bigay ng insurance at makatanggap ng nakasulat na kumpirmasyon ng iyong polisa.

Para sa karagdagang impormasyon sa insurance sa paglalakbay, kabilang ang mga tip sa pagpili ng isang polisa na angkop para sa iyo, bumisita sa smartraveller.gov.au.

Insurance para sa mga pasahero ng cruise

Ang mga pasahero ng cruise ay mahigpit na hinihikayat na kumuha ng mga insurance sa paglalakbay na angkop sa kanilang mga sitwasyon.

Ang mga benepisyo sa Medicare ay maibabayad lamang sa mga pasahero ng cruise kung sila ay nagbibiyahe sa pagitan ng dalawang daungan o puerto sa Australia. Hindi ang mga ito maaaring gamitin sa mga paglalakbay sa pagitan ng isang daungan sa Australia at sa isang banyagang daungan, o sa pagitan ng dalawang banyagang daungan.

Tandaan

Huwag ibatay ang iyong desisyon hinggil sa pagkuha ng insurance sa paglalakbay sa pag-aakalang 'hindi ito mangyayari sa akin'. Nangyayari ang mga aksidente.

Intensibong pag-aaral

Si Richard ay isang batang Australyano na nagtatrabaho sa isang ski resort sa Estados Unidos matapos na maglakbay sa buong mundo. Siya ay kumuha ng insurance sa paglalakbay na magsasaklaw sa kanya habang nasa malayong lugar siya sa loob ng 12 buwan. Matapos na kumita ng sapat na pera upang manatili bilang isang panauhin sa resort, nagpasya siyang ipagpaliban muna ng isang linggo ang kanyang pagbabalik sa Australia. Nag-enjoy si Richard sa pag-i-ski at sa mga gimik na kanyang nakalimutan na i-extend o palawigin ang kanyang 12-buwan na komprehensibong polisa sa insurance sa paglalakbay, na nag-expire tatlong araw bago ang kanyang pagbabalik sa Australia. Sa kanyang pangalawang araw bago ang huling araw sa resort, siya ay nabundol ng sasakyan habang tumatawid sa kalsada papunta sa ski field at siya ay nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo. Siya ay naospital nang walang-malay sa ICU (intensive care unit). Isang buwan matapos ang aksidente, noong nag-organisa ang pamilya ni Richard ng kanyang pagbabalik, siya ay nananatiling nasa coma at maaari lamang mailipat sa pamamagitan ng stretcher. Ang kanyang pamilya ay gumastos ng $80,000 para sa medical evacuation lamang.

Smartraveller tip

Kung iyong i-extend ang iyong biyahe sa ibang bansa, tiyakin na iyong i-extend din ang polisa sa insurance sa paglalakbay — maaari itong makapagpapatipid sa iyo at sa iyong pamilya ng libu-libo.

Mga pasaporte at visa

Ang iyong pasaporte ang pinakamahalagang dokumento sa paglalakbay. Lahat ng Australyanong mamamayan ay dapat mayroong balidong pasaporte bago umalis ng Australia, at magpanatili ng balidong pasaporte habang nasa ibang bansa. Lahat ng mga bata na naglalakbay sa ibang bansa, kabilang ang mga bagong silang na sanggol, ay dapat may sariling mga pasaporte.

Alalahanin na ang ibang mga bansa ay mayroong iba't ibang mga rekesitos sa kabisaan ng pasaporte. Tiyakin na ang iyong pasaporte ay hindi bababa sa anim (6) na buwan ang kabisaan nito mula sa iyong pinaplanong petsa sa pagbalik sa Australia. Magdala ng karagdagang mga pang-pasaporteng larawan (passport photos) sakaling ang iyong pasaporte ay mawala o manakaw at kailanganin mong palitan ito habang ikaw at nasa malayo.

Alamin hangga't maaga kung anong mga visa ang kailangan mo sa pamamagitan ng pagtawag sa mga banyagang misyon (embahada, mataas na komisyon o konsulado) ng mga bansang nais mong bisitahin. Ang ilang mga bansa ay mayroong mga partikular na rekesitos sa pagpasok at paglabas, kabilang na ang nga nauukol na pagbabakuna. Alalahanin na ang visa na pang-turista ay hindi nagpapahintulot sa iyo na pumasok sa anumang uri ng trabaho — kabilang na ang boluntaryo at mga di-binabayarang aktibidad. Tandaan na tingnan ang mga kinakailangan para sa visa ng mga bansa na maaari mong daanan. Ang mga detalye ng matatawagan ng mga banyagang embahada/konsulado sa Australia ay matatagpuan sa White Pages o sa online sa www.dfat.gov.au/embassies.html.

Mahahanap ang karagdagang impormasyon sa mga pasaporte ng Australia sa www.passports.gov.au o sa pamamagitan ng pagtawag sa Australian Passport Information Service sa 13 12 32 sa Australia.

Tandaan

  • Ang Department of Foreign Affairs and Trade (DFAT) sa Australia at ang mga embahada't konsulado sa ibang bansa ay hindi makakatulong sa iyo na ayusin ang mga visa o mga 'permit' sa trabaho't paninirahan para as ibang mga bansa.
  • Ang visa ay hindi garantiya na makakapasok sa isang banyagang bansa.
  • Sa karamihang mga kaso, ang visa na pang-turista ay hindi nagpapahintulot na magtrabaho sa isang banyagang bansa kabilang na ang boluntaryo o mga di-binabayarang aktibidad.

Dalawahang nasyonalidad

Ang pagiging mamamayan sa higit sa isang bansa ay tinatawag na may dalawahang nasyonalidad.

Ang ilang mga bansa ay naghahandog ng pagkamamamayan (citizenship) sa mga tao na nagpapakasal sa kanilang mga mamamayan, o sa mga tao na ang kanilang mga magulang o lolo't lola ay ipinanganak sa bansang iyon. Dapat alam mo na kung ikaw ay may tangan na dalawahang nasyonalidad, ito ay maaaring mayroong mga implikasyon kapag ikaw ay bumibisita sa bansa ng iyong pangalawang nasyonalidad.

Ikaw ay maaaring pigilan na makakuha ng tulong mula sa konsulado ng Australia kung ang bansa na kinaroroonan mo ay ituturing kang isa sa kanilang mga mamamayan.

Kung ikaw ay may tangan na pasaporte ng isang bansa, humingi ng payo kung paano ito dapat gamitin. Dalhin ang iyong pasaporte ng Australia at gamitin ito sa pag-alis at pagbalik ng Austalia.

Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang lathalain hinggil sa 'Dalawahang nasyonalidad' na makikita sa smartraveller.gov.au.

Pagpaplano ng iyong biyahe

Ang pananaliksik at paghahanda bago ka umalis ay maaaring makabawas sa iyo ng maraming hassle.

Saliksikin ang iyong destinasyon

Alamin ang tungkol sa kalagayang politikal, kultural at pang-ekonomiya ng iyong pupuntahan upang alam mo kung ano ang dapat aasahan sa iyong pagdating. Kumonsulta sa abiso sa paglalakbay para sa iyong destinasyon sa smartraveller.gov.au at bumili ng isang panggabay na aklat o maghanap sa internet ng pinakahuling impormasyon. Kausapin ang iyong pamilya at mga kaibigan na pamilyar sa mga bansa na iyong bibisitahin. Maaari kang kumonsulta sa mga buod ng bansa ng DFAT na matatagpuan sa www.dfat.gov.au upang malaman ang higit pa tungkol sa iyong mga destinasyon.

Airlines

Kung ikaw ay nag-aalala na ang airline ay maaaring mag-alinlangan sa iyong kalusugan o pisikal na kaangkupan upang sumakay ng eroplano, aming inirerekomenda na kumuha ng sulat mula sa iyong doktor upang kumpirmahin na ikaw ay malusog para sa paglalakbay sa himpapawid.

Kung ikaw ay mayroong kapansanan, tumawag sa iyong airline tungkol sa mga serbisyong ibinibigay kabilang na ang mga serbisyo sa transportasyon (shuttle services), alokasyon sa pagkakaupo (seating arrangements), at mga espesyal na pagkain (special meals).

Kung kailangan mong magdala ng mga karayom at heringgilya, kumuha ng sulat mula sa iyong doktor na nagbibigay paliwanag na kailangan mo ang mga ito, at humingi ng maagang impormasyon mula sa iyong airline kung paano makakapagtugon sa pinaigting na mga regulasyong pang-seguridad sa paliparan at sa paglalakbay sa himpapawid.

Akomodasyon/Matitirhan

Kung ikaw ay naglalakbay kasama ang iyong mga anak o mag-isa lamang, inirerekomenda na magpatala o mag-book ng iyong matitirhan bago ang iyong pagdating, lalo na kung ikaw ay nakatakdang dumating sa iyong destinasyon nang dis-oras ng gabi.

Mga Bagahe

Protektahan ang iyong sarili laban sa pagkawala at pagnanakaw sa pamamagitan ng pagdadala lamang ng iilang piraso ng bagahe. Kapag overloaded, mas inilalagay mo ang iyong sarili na bukas sa mga isnatser at mandurukot. Itago ang iyong mga credit card at pasaporte sa ilalim ng iyong mga damit o sa isang money belt.

Ang impormasyon sa kaligtasan at seguridad sa bagahe ay matatagpuan sa Civil Aviation Safety Authority at sa www.casa.gov.au at sa website ng seguridad sa paglalakbay ng Pamahalaang Australia, sa www.travelsecure.infrastructure.gov.au.

Kung ikaw ay naglalakbay sa USA, siguraduhin na maging pamilyar sa mga partikular na mga rekesitos sa 'airline baggage lock'. Ang impormasyon ay makikita sa US Department of Homeland Security sa www.tsa.gov.

Mga taong may kapansanan

Tandaan na hindi lahat ng mga bansa ay nagbibigay ng kaparehas na antas ng suporta sa mga may-kapansanan tulad ng makukuha sa Australia. Samakatuwid, napakahalaga na magplano nang maaga:

  • Mag-book ng mga direktang flight kung saan maaari at kapag gumagawa ng mga booking, maglaan ng maraming oras para sa anumang mga kinakailangang paglilipat o transfer sa pagitan ng mga eroplano o ibang uri ng transportasyon.
  • Tawagan ang lokal na ahensyang pang-turista upang malaman kung ang mga transportasyong pampubliko sa iyong destinasyon ay nagbibigay ng sapat na access.
  • Tawagan ang mga kaugnay na embahada't konsulado upang tingnan ang mga alituntunin at patakaran hinggil sa anumang mga bagay na iyong dala-dala, tulad ng wheelchair, mga kagamitan o gamot.
  • Huwag basta magpapalagay tungkol sa iyong akomodasyon/matitirhan. Masusing tingnan kung ito ay naaangkop sa iyo bago ka dumating.
  • Kung ang iyong mga gamit ay nangangailangan ng kuryente, tingnan ang boltaheng ginagamit sa bansa na iyong bibisitahin. Tingnan din kung aling mga adaptor ang kailangan dahil ang mga konpigurasyon ng plug ay nagbabago sa bawat bansa.

Manatiling ligtas sa ibang bansa

Maaari kang magsagawa ng mga praktikal na hakbang upang manatiling ligtas sa ibang bansa at makaiwas na maipit sa mga problema at mga mapanganib na sitwasyon.

Mga lokal na transportasyon at mga tour

Kapag nag-oorganisa kung paano makapaglibot sa ibang bansa, kumonsulta sa lokal na seksyon sa pagbibiyahe sa aming mga abiso sa paglalakbay at sa smartraveller.gov.au at basahin ang aming travel bulletin sa 'Overseas Road Safety'.

Alalahanin na ang mga pamantayan sa kaligtasan na inaasahan mo sa mga operator ng transportasyon at tour, kabilang na mga mga 'adventure activity', ay hindi palaging natutupad. Ang sapat na mga gamit-pangkaligtasan ay maaaring hindi maibigay, at ang mga inirerekomendang mga pamantayan sa pagmimintina ng mga ito at ang mga pangkaligtasang pag-iingat ay maaaring hindi masusunod.

Tiyakin na ikaw ay mag-organisa ng isang 'International Driving Permit' o pandaigdigang lisensya sa pagmamaneho bago umalis ng Australia kung ikaw ay nagpaplanong magmaneho sa ibang bansa.

Alamin ang tungkol sa kondisyon ng kalsada at kultura sa trapiko ng mga lugar na plano mong bisitahin. Kung ikaw ay mag-aarkila ng sasakyan, tiyakin na ito ay nasa maayos na kondisyon.

Pera at mga mamahaling gamit

Maaari kang gumawa ng mga hakbang upang mabigyan ka ng proteksyon laban sa pagkawala o pagnanakaw ng pera at mga mamahaling gamit.

  • Mag-isip ng iba't ibang mga paraan kung paano makakapag-access ng pera sa ibang bansa, tulad ng debit at credit card, traveller's checques at cash.
  • Alamin sa iyong banko kung gumagana ang iyong ATM card sa ibang bansa.
  • Irehistro sa iyong banko ang panahon na inaasahan mong ikaw ay magbibiyahe.
  • Huwag na huwag alisin ang paningin sa iyong credit card.
  • Gumawa ng dalawang kopya ng mga mahahalagang dokumento tulad ng pasaporte, mga tiket, polisa sa insurance sa paglalakbay, mga visa at credit card at mga ATM card. Dalhin ang isang kopya sa magkahiwalay na lugar sa orihinal at iwanan ang kopya sa isang kasamahan sa bahay.

Mga lokal na batas at kinaugalian

Maging pamilyar sa mga lokal na batas at magpakita ng pag-unawa sa mga kaugalian.

Sa ilang mga kultura, ang mga konserbatibong pamantayan sa pananamit at pag-uugali ay maaaring ipatupad; halimbawa, ang ibang mga tao ay maaaring magalit kapag nakakita ng malaswa o hindi angkop na pananamit. Ang pagpapasuso (breastfeeding) sa labas ay maaaring ituring din na di-kanais-nais. Dapat mong kausapin ang ibang mga nagbibiyahe at kumonsulta sa mga panggabay na aklat o maghanap sa internet para sa karagdagang impormasyon sa mga lokal na kaugalian at mga batas.

Alalahanin na ang mga lokal na batas at mga parusa, kabilang na ang mga tila mahigpit ayon sa pamantayan ng Australia, ay maaaring maipatupad sa iyo. Hindi sapat na mga dahilan ang edad at mga alalahaning pangkalusugan. Maraming bansa ang nagpapatupad ng parusang kamatayan (capital punishment), kabilang na ang mga krimeng may kaugnayan sa droga. Bawat taon, maraming mga Australyano sa lahat ng edad ay naaaresto sa ibang mga bansa dahil sa mga paratang kaugnay sa droga.

Manatiling malusog sa ibang bansa

Isipin ang iyong mga pangangailangang pangkalusugan bago bumiyahe.

Mga pagsusuring pangkalusugan at mga pagbabakuna

Gumawa ng appointment sa iyong doktor o klinika para sa isang pangunahing check-up na pangkalusugan nang hindi bababa sa anim, hanggang walong linggo bago ka bumiyahe upang malaman kung kailangan ang anumang pagbabakuna o karagdagang check-up para sa iyong destinasyon.

Mga pagbabakuna

Mahalagang talakayin ang iyong mga plano sa pagbibiyahe sa isang dalubhasa sa kalusugan upang matiyak na ikaw ay mayroong tamang mga bakuna para sa iyong biyahe, at anumang mga dosis ng booster na pambata na maaaring iyong kakailanganin.

Ang mga bakuna ay maaaring makatulong sa iyo na makaiwas na mahawa sa mga sakit, ngunit mahalaga din na tandaan na:

  • Ang mga bagong bakuna ay tuloy-tuloy na inilalabas ngunit ang mga sakit ay patuloy din na nagbabago.
  • Ang mga pagbabakuna ay maaaring isang rekesitos sa pagpasok sa ilang mga bansa, kung kaya't alamin sa mga embahada't konsulado ng mga bansa na binabalak mong bisitahin o daanan. Sa ilang mga bansa, ikaw ay maaaring hindi payagang makapasok o hihilingin kang magpabakuna sa border. Inirerekomenda namin na humingi ng payong medikal mula sa iyong doktor at magpabakuna bago umalis ng Australia.
  • Hindi pa huli ang magpabakuna; gayunpaman, ang ilang mga bakuna ay nangangailangan ng mahabang panahon na magkabisa, at maaaring kailanganin ang higit sa isang dosis.
  • Maaaring kailanganin mo ang mga booster para sa mga bakunang pambata.
  • Ang mga panganib sa loob ng bansa ay maaaring magkakaiba sa bawat rehiyon at ang mga lokal na awtoridad ay maaaring mabagal na mag-anunsyo ng outbreak o paglaganap ng sakit.
  • Ang mga bagong sakit o karamdaman ay maaaring biglang lumabas, tulad ng nangyari sa outbreak ng pandemic influenza (H1N1) noong 2009. Tingnan ang pinakahuling abiso sa paglalakbay at mga travel bulletin sa iyong destinasyon bago umalis at habang bumibiyahe upang ikaw ay makatitiyak na mayroon ka ng pinakahuling impormasyon.
  • Kabilang sa mga karaniwang sakit o karamdaman na maaaring makuha ng mga biyahero ang mga nagreresulta mula sa pagkain o pag-inom ng kontaminadong pagkain o tubig. Alamin kung ang tubig sa gripo at ang lokal na pagkain ay ligtas na inumin at kainin bago umalis.
  • Mayroong ilang mga sakit na dala ng mga lamok na maaari mong makuha sa ibang bansa, partikular sa mga maiinit na lugar o tropical areas. Tiyakin na gumawa ng mga hakbang upang maiwasan na makagat tulad ng pagsuot ng mga damit na mapusyaw ang kulay, maluluwag na damit na nagbibigay proteksyon sa iyong mga braso't binti, regular na naglalagay ng angkop na pang-alis-insekto (insect repellant) at manirahan sa isang akomodasyon na walang lamok.

Upang malaman ang higit pa tungkol sa pagbibibiyahe ng malusog at mga pagbabakuna, tawagan ang iyong pinakamalapit na doktor o bumisita sa:

Medikasyon

Kung ikaw ay umiinom ng gamot sa ibang bansa, aming inirerekomenda na iyong:

  • talakayin sa iyong doktor ang medikasyon na kakailanganin mong inumin
  • dalhin ang isang sulat mula sa iyong doktor na nagdedetalye kung anong gamot ito, kung ilan ang dapat mong dalhin, at nagsasabi na ito ay para sa iyong personal na gamit
  • iwanan ang gamot sa orihinal nitong pakete upang malinaw na makikilala ang etiketa nito kasama ng iyong pangalan at mga tagubilin sa dosis.

Kung ikaw ay nagbibiyahe dala-dala ang gamot, tiyakin na ito ay legal sa mga bansang iyong bibisitahin sa pamamagitan ng pagtawag sa mga kaugnay na embahada't konsulado sa Australia. Ang mga detalye ng matatawagan ay makikita sa www.dfat.gov.au/embassies.html.

Kung kailangan mong bumiyahe dala-dala ang maraming gamot, mabuting gawain na ihiwalay ang mga gamot sa pagitan ng iyong bagahe, sakali mang mawala ang iyong mga bag. Panatilihin ang lahat ng mga medikasyon sa orihinal na lalagyang may tatak upang maiwasan ang problema sa mga kawani ng custom.

Kung kailangan mong iturok ang iyong medikasyon, mas mainam na magdala ng iyong sariling karayom at mga heringgilya kung ito ay pinapayagan sa mga bansang iyong bibisitahin. Kung ikaw ay bibili ng mga karayom at mga heringgilya sa ibang bansa, tiyakin na ang mga ito ay selyado at malinis.

Magdala ng sapat na mga gamot/medikasyon na sasaklaw sa haba ng iyong biyahe. Kung kailangan mong bumili ng gamot sa iyong destinasyon, maging maingat na huwag bumili ng peke o ginaya lamang at mga de-reseteng mga gamot, at palaging ikonsulta ang tapang ng medikasyon sa isang doktor. Alalahanin na ang pakete at etiketa ay maaaring pareho dun sa mga mabibili sa Australia, ngunit ang tapang at mga aktibong sangkap ay maaaring magkaiba sa mga bansa.

Ipinagbabawal na magdala o magpadala ng Pharmaceutical Benefits Scheme (PBS) na medikasyon sa ibang bansa maliban lamang kung ito ay para sa iyong personal na gamit, o para sa gamit ng isang tao na nagbibiyahe kasama mo. Maaari kang pagmultahin ng $5,000 at makulong ng dalawang taon kung ikaw ay lalabag sa batas. Ang karagdagang impormasyon ay makikita sa www.health.gov.au o sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono ng PBS sa 1800 020 613.

Ang karagdagang impormasyon sa pagdadala ng medikasyon ay makikita sa www.humanservices.gov.au o sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono ng Overseas Drug Diversion sa 1800 500 147.

Mga salamin sa mata na may reseta

Kung ikaw ay nagsusuot ng salamin, magdala ng reserbang pares at/o isang kopya ng reseta para maaari mo itong mas madaling palitan kapag ito ay nawala o nasira.

Mga karagdagang tip na pangkalusugan

  • Kung ikaw ay kasalukuyang mayroong reseta sa medikasyon, ipagpatuloy itong inumin ayon sa tagubilin ng iyong doktor.
  • Maghanda ng isang maliit na medikal kit, kabilang ang mga item tulad ng gamot sa pananakit ng ulo, antacids, antiseptic lotion, bulak, mga bandaid, latex gloves, perdible, SPF 30+ sunscreen at naaangkop na panlaban sa insekto.
  • Kung ang iyong biyahe ay magsasangkot ng dagdag sa pisikal na aktibadad kaysa nakasanayan, tulad ng paglalakad buong araw, paunti-unting magsanay na pag-ibayuhin ang iyong resistensya (matapos na makakuha ng clearance mula sa iyong doktor) ilang linggo o mas mabuting ilang buwan, bago ka umalis.
  • Kung plano mong magbiyahe sa mga lokasyon o magsagawa ng mga aktibidad sa matataas na lugar (>2,500 m), dapat kang kumonsulta sa iyong doktor bago magbiyahe at humingi ng payo sa partikular na sitwasyon. Ang karamdaman dulot ng tayog o 'altitude sickness' ay maaaring makaapekto kaninuman, kahit na sa mga malulusog na tao.
  • Alamin kung ang mga mahahalagang gamit/bagay ay madaling mahanap o makita sa iyong patutunguhan. Sa ilang mga bansa, ang suplay ng mga pambabaeng produkto na panlinis, diaper at mga kontraseptibo, kabilang na ang condom, ay maaaring di-katiwa-tiwala o hindi mabibili, kung kaya't pinakamainam na magbaon ng mga ito bago ka umalis.
  • Huwag subukan na maglaan ng espasyo sa bagahe sa pamamagitan ng pagtipon ng mga gamot sa iisang lalagyan. Panatilihin ang lahat ng mga medikasyon sa orihinal na lalagyan upang maiwasan ang problema sa mga kawani ng custom.

Habang nasa himpapawid

  • Magdala ng mahahalagang gamot sa iyong bulsa sakaling mawala ang iyong mga bagahe.
  • Magpatuloy na uminom ng iyong niresetang gamot.
  • Isaalang-alang ang epekto ng 'jet lag' sa iyong itineraryo.
  • Kung ikaw ay galing lamang mag-scuba diving, huwag magbiyahe sa eroplano sa loob ng 24-oras matapos ang iyong huling dive.
  • Paano maiwasan ang deep vein thrombosis (DVT)
    • uminom ng maraming tubig (iwasan ang alak, alkohol, tsaa, at kape)
    • iunat ang iyong mga paa at mga binti habang nakaupo.
    • maglakad-lakad sa cabin sa regular na mga pagitan.

Habang nasa kalupaan

  • Mag-ehersisyo sa abot ng iyong makakaya—lalo na sa mga maiinit ang klima.
  • Kung saan ang lokal na tubig ay hindi ligtas:
    • gumamit lamang ng tubig na naka-bote (bottled water) sa pag inom at pagsipilyo at palagiang tingnan ang selyo
    • huwag maglalagay ng yelo o ice sa inumin—ang mga mikrobyo ay nananatili sa lamig, at hindi namamatay ang mga ito
    • umiwas sa hilaw o hindi lutong pagkain, kabilang na ang mga ensalada at prutas na hindi mo mababalatan.
  • Isama ang oras ng pahinga sa iyong itineraryo upang makabawi mula sa anumang pagkapagod.
  • Magsuot ng kumportableng sapatos, isang sombrero at shades para sa pagliliwaliw o sightseeing.
  • Magsuot ng pares ng thongs habang naliligo.
  • Palaging magdala ng karagdagang gamot kapag lumalabas sa mga ekskursyon.
  • Mag-ingat at mag-practice ng 'safe sex' dahil ang HIV/AIDS at iba pang mga nakakahawang impeksyong sekswal ay laganap na sa maraming bansa.

Intensibong pag-aaral

Sa loob ng higit sa 20 taon, sina Don at Claudia at ang kanilang mga matatalik na kaibigang sina Chris at Louise ay nag-usap at nangarap tungkol sa safari at pag-akyat sa Mount Kilimanjaro. Dumating ang panahon upang matupad ang kanilang pangarap. Inayos ng kanilang ahente sa paglalakbay (travel agent) ang ankop na komprehensibong insurance sa paglalakbay para sa kanilang mga kinakailangan. Binigyan sila ng kanilang doktor ng malinis na tala sa kanilang kondisyong pangkalusugan para sa kanilang mapaghamong biyahe sa Silangang Aprika. Mayroon silang suplay ng gamot para sa kani-kanilang mga kaunting kondisyong pangkalusugan at sila'y umalis ng Australia na handang-handa. Matapos ang isang kagila-gilalas na safari sa Kenya, ang lahat ay nakatuon sa kanilang pag-akyat sa Kilimanjaro. Batid niya na ang pag-akyat ng matatarik ay nagsasanhi ng kanyang hika o asthma, si Don ay naglagay ng ventolin respirator sa kanyang backpack at isa pa sa bulsa ng kanyang pantalon. Sa pagdating sa paanan ng Mount Kilimanjaro, sinabihan ng tour guide ang kanilang grupo na iwanan ang kanilang mga backpack, mga inumin at lahat ng mga di-mahahalagang bagay sa bus, dahil ang lahat ng kanilang mga kakailanganin ay ibibigay papunta at pabalik mula sa tuktok (summit). Halos lagpas kalahati ng kanilang pag-akyat, si Don ay nakaramdam ng pangangapos ng hininga at naalala niya na oras na para gamitin ang kanyang respirator upang manumbalik ang kanyang hininga. Hindi niya mahanap ang kanyang inilagay sa kanyang bulsa at nagsimulang mangamba dahil hindi niya dinala ang isa pang respirator mula sa kanyang backpack. Siya ay unti-unting bumabagal at humahangos nang labis-labis. Napansin ni Claudia kung ano ang nangyayari at kaagad niyang binigyan kay Don ang kanyang reserbang respirator na kanyang palaging dala-dala. Si Don ay muling naka-recover matapos ang 10 minuto at nakarating sa tuktok kasama ang kanyang mga kaibigan. Ang simpleng maagap na pagpaplano ni Claudia ay sadyang nagpa-adya mula sa isang potensyal na medical emergency para kay Don, at ang grupo ay nakapagpatuloy at nag-enjoy sa kanilang bakasyon nang magkakasama.

Smartraveller tip

Kung mayroon kang isang medikal na kalagayan, tiyakin na maging maagap ang pagpaplano at maging handa.

Yellow fever

Kung ikaw ay bumibiyahe sa Africa, South/Central America o sa Caribbean, ikaw ay maaaring malantad sa 'yellow fever'. Ang 'yellow fever' ay isang potensyal na nakakamatay na nakakahawang sakit na nanggagaling sa mga lamok. Dapat kang makipag-ugnayan sa mga embahada't konsulado ng mga bansang nais mong bisitahin para sa anumang mga kinakailangang pagbabakuna sa pagpasok at paglabas, at talakayin ang pagbabakuna para sa 'yellow fever' sa iyong doktor. Para sa karagdagang impormasyon, bumisita sa www.health.gov.au/yellowfever.

HIV/AIDS

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paglaganap ng HIV/AIDS, bumisita sa www.who.int/topics/hiv_aids/en.

Deep vein thrombosis

Ang deep vein thrombosis (DVT) ay maaaring mangyari sa mga mahahabang biyahe o flight, ngunit ang mga simpleng aksyon ay maaaring makabawas ng panganib. Para sa karagdagang impormasyon, bumisita sa Civil Aviation Safety Authority website sa www.casa.gov.au.

Mga kasunduan sa palitan ng pangangalagang pangkalusugan

Ang Australia ay mayroong mga kasunduang pangkalusugan sa Belgium, Finland, Ireland, Italy, Malta, the Netherlands, New Zealand, Norway, Sweden at sa United Kingdom.

Ang mga kasunduan ay nagpapahintulot sa mga Australyano na magkaroon ng access sa mga mahahalaga o emergency na paggamot sa ibang bansa. Gayunpaman, ang mga serbisyong medikal ay ibinibigay lamang kapag hindi makatuwiran na ipagpaliban ang paggamot hanggang ang pasyente ay makabalik sa Australia.

Mahalagang tandaan na:

  • Ang mga kasunduan sa pangangalagang pangkalusugan (healthcare agreements) ay hindi kapalit sa insurance sa paglalakbay. Hindi ka nito sasaklawin kung ang isang doktor ay nagrerekomenda ng 'medical evacuation' pabalik ng Australia.
  • Ikaw ay sasaklawin lamang ng mga kasunduan sa pangangalagang pangkalusugang ito sa oras na ikaw ay nasa isang partikular na bansa. Ang mga problemang pangkalusugan na nangyayari sa panahon ng pagbibyahe papunta at mula sa may-kasunduang bansa ay hindi saklaw.
  • Kung nais mo na magamot sa ilalim ng kaugnay na kasunduan sa palitan ng pangangalagang pangkalusugan, dapat mong bigyang abiso ang mga medikal na kawani sa bansa na iyong binibisita. Kakailanganin mong magbigay sa mga lokal na awtoridad ng:
    • iyong pasaporte sa Australia, o ang isang pasaporte na nagpapakita na ikaw ay isang permanenteng residente ng Australia
    • isang balido o may-bisang Medicare card. Kung wala kang isang balidong Medicare card, o kung ang iyong card ay mag-e-expire habang ikaw ay nasa malayo, bumisita sa tanggapan ng Medicare at humingi ng bagong card bago bumiyahe sa ibang bansa.

Ang karagdagang impormasyon hinggil sa pangangalagang pangkalusugan kapag naglalakbay sa ibang bansa at ang mga kasunduang pangkalusugan na pang-internasyonal, ay makikita sa website ng Medicare sa www.humanservices.gov.au, o sa pagtawag sa 13 20 11.

Department of Veterans' Affairs

Kung ikaw ay tumatanggap ng pensyon mula sa Department of Veterans Affairs (DVA), bago ka umalis ay tungkulin mo na ipaalam sa DVA ang iyong intensyon na maglakbay sa ibang bansa. Magtanong hinggil sa mga posibleng implikasyon ng iyong paglalakbay sa ibang bansa sa iyong pensyon at sa mga karapatan o entitlement sa pangangalagang pangkalusugan. Ang isang DVA na 'gold card' o ang DVA healthcare card ay hindi garantiya na sasagutin ng DVA ang lahat ng iyong medikal na gastusin habang ikaw ay nasa ibang bansa. Ang karagdagang impormasyon ay makikita sa www.dva.gov.au o sa pamamagitan ng pagtawag sa DVA sa 13 32 54.

Paghingi ng tulong habang nasa ibang bansa

Gagawin ng Pamahalaan ng Australia ang nararapat upang tulungan ang mga Australyano na nagigipit sa ibang bansa, ngunit mayroong mga limitasyon kung ano ang magagawa.

Mga serbisyo ng konsulado

Ang DFAT ay nagbibigay ng tulong sa mga Australyano na nagigipit sa ibang bansa. Ang suportang ito ay tinatawag na mga serbisyo ng konsulado; gayunpaman, mayroong mga legal at praktikal na limitasyon ang maaaring magawa.

Ang Consular Services Charter ay nagtatakda ng mga pamantayan ng serbisyo sa lahat ng mga Australyano na umaasang makatanggap ng serbisyo mula sa mga kawani ng konsulado, kabilang na kung ano ang kanilang maaaring gawin o hindi, at makikita sa smartraveller.gov.au.

Ang mga detalye ng matatawagan sa mga embahada at konsulado ng Australia sa ibang bansa ay makikita sa www.dfat.gov.au/missions.

Ang Australia ay mayroong kasunduan sa Canada na magbigay ng tulong pang-konsulado sa mga Australyano sa ilang mga bansa.

Ang 24-oras na Consular Emergency Centre sa Canberra ay maaaring matawagan para sa tulong saanman sa mundo sa +61 2 6261 3305 o 1300 555 135 (lokal na tawag sa loob na Australia).

Tawagan ang iyong tagapag-bigay ng insurance sa paglalakbay

Ang mga kumpanya ng insurance sa paglalakbay ay karaniwang mayroong 24-oras na pantulong na sentro na maaari mong tawagan mula sa kung saan man sa mundo. Kung ikaw ay nagkasakit sa ibang bansa o nadawit sa isang medikal na kagipitan o emergency, dapat mong tawagan agad ang iyong tagapagbigay ng insurance sa paglalakbay. Tiyakin na dala-dala mo ang impormasyon ng iyong 'travel insurance policy' at mga numerong matatawagan upang madali mong matawagan ang iyong tagapag-seguro mula sa ibang bansa. Isaalang-alang na mag-iwan ng mga detalye ng iyong polisa sa insurance sa paglalakbay sa iyong pamilya o sa mga kaibigan.

Para sa karagdagang impormasyon sa insurance, basahin ang bahagi ng 'Insurance sa Paglalakbay' sa brochure na ito.

Mga serbisyo ng pagpapayo

Ang mga Australyanong nangangailangan ng serbisyong pagpapayo sa ibang bansa ay maaaring tumawag sa aming Consular Emergency Centre sa +61 2 6261 3305 na ililipat sa isang Lifeline na tagapayo na nasa telepono.

Iba pang mga lathalain ng Smartraveller

Ang DFAT ay naglalathala ng ilang mga brochure at mga tip sa pagbibiyahe para sa mga partikular na grupo na naglalakbay, at impormasyon tungkol sa kung paano makakayanan ang mga di-inaasahang mga pangyayari, na makikita sa smartraveller.gov.au.

Kasama sa mga pamagat:

  • Travel smart: hints for Australian travellers
  • Consular Services Charter
  • Arrested or jailed overseas
  • Backpacking overseas
  • Death overseas
  • Dual nationals
  • Living and working overseas
  • Sexual assault overseas
  • Travelling with children
  • Travelling seniors
  • Travelling women
  • When someone is missing overseas

Ang mga kopya ng mga brochure na ito ay makukuha sa DFAT state at mga tanggapan ng teritoryo, ang Australian Passport Offices, at ang mga Australian mission sa ibang bansa. Maaari ka ring humingi ng mga kopya online sa smartraveller.gov.au.

Ang mga brochure na Travelling well, Travelling seniors at Dual nationals ay makikita rin online sa ilang mga wika at dialekto sa smartraveller.gov.au.

Top 10 travel tips

  1. Alamin ang pinakahuling mga abiso sa pagbibiyahe sa smartraveller.gov.au at mag-subscribe upang makatanggap ng libreng mga pabatid sa email sa bawat panahon na na-a-update ang abiso para iyong destinasyon.
  2. Kumuha ng komprehensibong insurance sa paglalakbay at tiyakin na saklaw ka nito pati ang mga lugar na iyong pinaplanong puntahan at mga bagay na plano mong gawin.
  3. Bago maglalakbay sa ibang bansa, irehistro online ang iyong mga biyahe at mga detalye na matatawagan sa smartraveller.gov.au, o sa lokal na embahada ng Australia, sa mataas na komisyon (high commission), at sa konsulado sa oras na ikaw ay dumating upang maaari namin kayong makontak sa panahon ng kagipitan.
  4. Sundin ang mga batas ng bansa na iyong binibisita kahit na ito ay tila mahigpit o hindi patas batay sa mga pamantayan ng Australia. Huwag umasa na ituturing na kakaiba kumpara sa mga lokal na mamamayan dahil ikaw ay isang Australyano.
  5. Tiyakin na ikaw ay may tangan na tamang mga visa para sa mga bansang iyong bibisitahin o dadaanan at tingnan ang anumang mga kinakailangan sa pagpasok o paglabas.
  6. Gumawa ng mga kopya ng mga detalye ng iyong pasaporte, polisa sa insurance, mga traveller's cheque, mga visa at numero ng credit card. Magdala ng isang kopya sa magkahiwalay na lugar sa orihinal at mag-iwan ng kopya sa isang kasamahan sa bahay.
  7. Sumangguni sa mga propesyunal sa kalusugan para sa impormasyon sa mga rekomendadong bakuna at iba pang mga pangangalagang pangkalusugan. Tandaan na ang mga pagbabakuna ay maaaring maging isang rekesitos sa pagpasok sa ilang mga bansa. Alamin din ang tungkol sa pag-inom ng mga medikasyon sa ibang bansa—ang ilang mga gamot ay hindi pinahihintulutan sa ibang mga bansa.
  8. Tiyakin na ang iyong pasaporte ay hindi bababa sa anim (6) na buwan ang kabisaan mula sa iyong pinaplanong petsa sa pagbalik sa Australia. Magdala ng karagdagang mga pang-pasaporteng larawan sakaling ang iyong pasaporte ay mawala o manakaw at kailanganin mong palitan ito habang ikaw at nasa malayo.
  9. Manatiling naka-ugnay sa iyong mga kaibigan at pamilya at bigyan sila ng kopya ng iyong itinerary upang alam nila kung nasaan ka.
  10. Tingnan kung ikaw ay itinuturing na mamamayan ng bansa na iyong planong bisitahin, at kung ang dalawahang nasyonalidad ay mayroong anumang mga implikasyon sa iyong mga plano sa pagbibiyahe.